Buhay na naman pala ang balitang madadamay ang Simbahang Bato sa ginagawang pagpapalawak ng daan patungong tollgate sa Malhacan. Matagal ko ng naririnig ang balitang ito subalit hindi binigyang pansin dahil kung tutuusin, wala naman akong nakikitang road widening projects na ginagawa sa lugar na iyon. Pero kamakailan ay nagsimula nga ito. Ang patyo ng Simbahang Bilog (Parokya ni San Roque at San Isidro) ay pinaliit na. At matapos akong mai-tag ng isang kaibigan sa Facebook ukol sa haka-hakang ito, naisip ko na lang... Totoo nga ata.
Marami yata ang hindi nakakaalam na ang Simbahang Bato na ito ay isa sa pinakamatatandang simbahan sa Meycauayan, sa Bulacan, at sa buong bansa. Itinayo noong 1599, ito ay minsang naging sentro ng pananampalatayang Katoliko ng mga taga-Meycauayan bago ilipat ang parokya sa kasalukuyan nitong kinalalagyan sa Poblacion.
Hindi ko maintindihan kung bakit pakiramdam ko ay marami ang walang pakialam kung maalis man o hindi ang simbahang ito sa daang iyon. Siguro nga na makakapagpaluwag ng trapiko kung sakaling matanggal ito, pero anong klaseng sambayanan naman kaya tayo kung tatanggalin natin ang isang bagay na sumisimbolo sa yaman ng ating kasaysayan?
Oo, hindi ko - kasama ang aking mga kaibigan - ipinaglalaban ang simbahang ito dahil lamang sa aming relihiyon. Isa lamang iyon sa maraming dahilan. Ginagawa ko ito dahil bilang isang anak ng Meycauayan, ayokong ituring ang mga bagay na humulma sa kasaysayan ng lugar na ito bilang wala lang. At kung sakaling hindi man ako naging Katoliko, siguradong ganoon rin ang mararamdaman ko.
Hindi ko kailangang mag-dalawang isip para ipagtanggol ang kasaysayan. Totoo man o hindi, naisip kong kailangan na rin nating simulan ang petisyon para isalba hindi lamang ang Simbahang Bato, kundi ang ilan pang mga ala-ala ng maunlad at magandang kahapon ng ating lugar.
Oo, maganda ang Meycauayan. Yan ang isang bagay na nais kong ipigpilitan kaya ko sinimulan ang Meycauayan Spots sa blog na ito. Maraming lugar ang pwede nating makita at mapuntahan dito. Maraming kwento ng kahapon ang maaaring matuklasan. Maraming pwedeng matutunan. Maraming pwedeng ipagmalaki.
Kung matututo lang sana tayong magpahalaga, siguro ay mas maningning pa ang bukas na naghihintay sa atin bilang isang bayan.
Unang pumasok sa aming mga isipan na sana ay mabigyan ng pansin ng lokal na gobyerno ang usaping ito. Darating na rin lang naman ang eleksyon, umaasa kaming magkakaroon ng puwang sa isip ng mga tumatakbo ang pagpapaunlad ng turismo sa Meycauayan. Sana ay hindi lamang patungkol sa ngayon at bukas ang inaatupag nila. Sana ay makita rin nila ang katotohanan na upang maging matagumpay ang kasalukuyan, kailangang bigyan ng pansin ang mga ala-ala ng nakaraan. Paano mo nga naman kasi maituturo sa mga susunod na henerasyon ang importansya ng pagiging isang taga-Meycauayan kung hindi mo sila mabibigyan ng patunay na may malaking puwang ang bayan na ito sa kasaysayan ng buong Pilipinas?
Inaamin kong kulang pa ang nalalaman ko tungkol sa kasaysayan ng aking bayan. Ngunit kaya nga ako naninindigan na buhayin ang mga kayamanang pang-kultura ng Meycauayan ay dahil gusto kong malaman ang lahat. Sapat na dahilan `yon para gawin ko ito.
Naniniwala ako na ang mga istrakturang ito ay ilan lamang sa nagbibigay sa atin ng ating pagkakakilanlan. Dahil sa mga importanteng bagay na ito kaya nagkakaroon ng pangalan sa bansa ang Meycauayan. Wala tayong karapatan para ipagkaila yon. Parte yon ng sistema. Bakit hindi na lang kasi natin tanggapin diba?
Inuulit ko, huwag sanang madamay ang Simbahang Bato at ang iba pang yamang pang-kultura ng Meycauayan para sa mga proyektong sinisimulan ng mga lider ng aming lugar. May magagawa ang mga lumang atraksyon na iyan para sa bayan natin... at malamang mas malaki pa ang maitutulong ng mga ito kesa sa mga nakaupo at uupo sa pwesto sa gobyerno.
No comments:
Post a Comment