Sa Mayo 13, eleksyon na naman. Ibig sabihin, dadating na naman ang ating pagkakataon para baguhin ang takbo ng Pilipinas. Mabibigyan na naman tayo ng isang boto, isang boses, para maiupo ang mga taong may tunay na kakayanan para mapaunlad pa ang bansa. Seryosong bagay ang pagboto sa halalan, kaya nakakalungkot na maraming kabataan ang hindi sumeseryoso dito.
Gasgas man pero gusto ko pa ring gamitin ang sinabi ni Rizal na 'kabataan ang pag-asa ng bayan.' Kabataan ako at naniniwala akong nasa atin ang desisyon para maging tama ang lahat. Mas kritikal kasi tayo. Mas hindi agad naniniwala. Mas rebelde ang pag-iisip. Mas may kakayanan na sumunod sa kung ano mang gusto natin talagang gawin.
Sa mga ganitong panahon, mas alam natin kung sino ang dapat na nasa pwesto.
Gut feeling siguro ang dahilan. Mas matinik ang pakiramdam nating mga kabataan eh. Dahil sabi nga ni Bob Ong, lahat tayo ay nasa panahon na lahat eh pinagduduhan. Marami tayong tanong na kailangan munang masagot bago tayo magtiwala. Marami tayong kailangang pruweba bago tayo maniwala. Marami tayong requirements na kailangan maipasa bago natin sabihing 'okay' ang isang bagay. Sa unang tingin, hindi ganoon kaganda ang dating ng katotohanan na `to, pero pagdating sa pagboto, ito ata ang pinakamabuting bagay.
Bilang kabataan, tungkulin natin na makiparte sa mga usaping pambansa. Dadating kasi ang panahon na henerasyon na natin ang papalit sa mga nagpapatakbo ng lipunan natin ngayon, at ayokong lumingon sa mga susunod na kabataan habang sinasabihan na wala tayong nagawa para sa kanila. Bilang isang tao, ayokong ibigay sa kanila ang bigat ng responsibilidad ng pagbabago. Ito ang nangyari dati kaya nasa atin ang responsibilidad ngayon. Kaya na naman nating baguhin eh, bakit hindi pa gawin?
Sawang sawa na ko sa ganitong lagay ng bansa; at alam ko kayo rin. Kung hindi magagawa ng mas matatanda sa atin na pagandahin ang Pilipinas para sa ating mga kabataan, eh di tayo na lang ang gumawa para sa sarili natin. Huwag tayong magpaapekto sa ideyang 'bata lang tayo, wala tayong alam'. Pakana lang `yon ng ibang takot sa tunay na lakas ng kabataan. Alam natin ang dapat gawin at kaya nating gawin yon. Tamad lang talaga tayo minsan.
Kaya tol, bumoto ka. Kahit isang araw lang, pumila ka at makihalubilo sa mga tao. Kahit sinasabi ng iba na 'isang boto ka lang', pangatawanan mo pa rin. Magkaroon ka ng pakialam sa bansa mo. Magkaroon ka ng pakialam sa pagiging tao mo.
Dahil bukod sa isa kang kabataan, isa kang Pilipino.
No comments:
Post a Comment