Masyadong mainit na usapin ang Reproductive Health Bill. Nung una, payag ako. Naisip ko kase, may mga bagay na kailangan tayong malaman. Masyado na nga naman tayong nahuhuli sa lahat. Pero ewan ko ba. Matapos ang habagat, bigla kong naisip na hindi ko pa rin talaga pwedeng isakripisyo ang prinsipyo ko para lang sumunod sa gusto ng marami.
Hindi nga naman talaga masama. Naiintindihan ko ang sinasabi ng lahat na makakatulong ito para mabawasan ang populasyon sa Pilipinas at makakapagsalba nga naman ito ng buhay ng mga ina. Hindi naman siguro masamang tanggapin na may mabuting maidudulot kapag naipasa ang batas na ito.
Pero hindi ibig sabihin non, bibitawan ko na yung isang bagay na pinapaniwalaan ko.
Hindi naman sa nanghuhusga, pero ang paniniwala ko kasi, kapag naipasa na ang bill na ito, magiging morally accepted na ang Pre-Marital Sex. Naiintindihan ko naman na maraming gumagawa nito, at hindi ko naman sinasabing masama. Pero... pero... pero pano ko nga ba ipapaliwanag ang isang argumentong nag-ugat sa pagiging Katoliko ko? Na hindi sasabihin ng lahat na korni ako?
Wala akong sinusubukang kumbinsihin sa sinabi kong iyon. Wala rin sa kagustuhan kong makasakit o ano pa man. Ang sa akin lang, ang pagpasa ng RH Bill ay parang pagtakas sa mga responsibilidad natin bilang tao.
Hindi ganoon kalawak ang kaalaman ko tungkol sa batas na ito, pero hindi naman siguro masama kung sabihin kong ang mga bagay na gustong ituro ng RH Bill, pwede naman magawa sa natural na paraan. Kung may disiplina, kung may diskarte, kung may self-control, hindi magiging problema ang mga bagay na sinasabing sosolusyunan ng kontrobersyal na batas na ito.
Ewan ko bakit ganito katindi ang paniniwala kong hindi natin kailangan ang RH Bill. Siguro kase mas gusto kong ginagawa yung mahirap na bagay para mas matutunan ko yung importansya ng aral na ituturo non, kesa instant ang resulta.
***
Pero aaminin ko, nag-iisip na rin ako kung gusto ko pa ngang maging ANTI-RH Bill. Hindi dahil sa nag-iiba na ang paninindigan ko e. Kundi dahil ayokong makasalo sa isang paniniwala ang isang taong hindi alam ang ginagawa.
Yung totoo, hindi patungkol sa isyu ng reproductive health ang matinding pagkainis ko ngayon sa isang senador ng bansa. Tungkol ito sa usapin ng plagiarism.
Hindi ako nagmamagaling. Pero gusto kong sabihin na may konti naman akong alam tungkol sa isyu na to. Una, dahil writer ako. Pangalawa, dahil nag-aral ako.
Wala ngang kaso ng plagiarism sa bansa, pero kahit bata, alam na mali ang pangongopya. Sabi ko nga dati, binigyan tayo ng Diyos ng utak para mag-isip. Kung acceptable naman pala ang plagiarism, eh bakit pa tayo kailangan mag-aral? Bakit hindi na lang natin hayaan na yung iba ang magtiyaga as eskwelahan tapos tayo, mangongopya na lang?
Sabi ng senador nung unang beses, kung kakasuhan daw siya dahil sa plagiarism (na hindi daw pwedeng mangyari dahil wala ngang kasong ganito sa bansa), eh di dapat ay kasuhan din sina Willie Nep (dahil sa panggagaya nito sa mga sikat na personalidad) at ang mga taong kumakanta ng mga kanta ng kanyang grupo na hindi magsasabing siya ang nagsulat ng mga kantang ito.
Dun ko naisip na pwede talagang mas matalino pa ang Grade 3 kesa sa isang senador ng bansa.
Walang plagiarism sa paggaya ni Willie Nep dahil alam ng lahat na nanggagaya lang siya. Kumbaga sa ginagawa ng mga kabataan ngayon, cosplayer siya. At walang plagiarism sa pagkanta ng mga kanta VST kapag hindi sinabing siya ang nagsulat ng awitin dahil kasama na siya sa VST. Magiging masama lang ang dalawang nabanggit na bagay kung gagamitin ito para sa pansariling kabutihan. Halimbawa, nagpakilala si Willie Nep bilang si Fidel V. Ramos upang makatakas mula sa isang pagkakautang; o ginamit ang kanta ng VST sa isang political jingle (o kahit anong kauri nito) para kumita ng pera o makahakot ng atensyon. Sa ganoong paraan, nagiging plagiarism ang isang bagay.
Siguro, maraming magsasabi na hindi naman kumita ang senador sa 'pangongopya' niya. Sasabihin ko naman, hindi nga. Pero ano bang estado niya? May kredibilidad siyang dapat panghawakan. May reputasyon siyang kailangang proteksyunan. Pano niya magagawa yon kung alam ng lahat na hindi naman pala sa kanya nanggagaling lahat ng sinasabi niya? Anong magagawa ng bansa kung nakadepende ito sa mga gaya-gaya?
Kung ganito lang naman ang batayan ng paggawa ng rason, eh wala na palang karapatang magalit ang mga guro at propesor kapag nangopya lang ang mga estudyante nila sa mga exams? Wala ring karapatang magalit ang kinopyahan.
Level of reasoning: Grade 1.
Nag-init ang dugo ko nung mapangalawahan ang mga bagay-bagay. Yung una kasi, napalagpas na dahil inamin niyang hindi yon kanya. Hindi na ko maghihintay ng apology kasi hindi naman ako yung nanakawan. Pero `yung pangalawang beses, parang ang hirap na palampasin.
Matapos niyang magsalita, tinanong siya ng isa pang senador kung kanya ba talaga ang mga sinabi niya. Sumagot siya ng OO kaya napalipas na ang lahat. Pero dahil hindi tanga ang mga Pilipino (at hindi katulad ng iniisip niya siguro), napagtuntunan na ang mga sinabi niya ay direct Tagalog translation ng mga sinabi ni John F. Kennedy noon.
Ang mas lalong nakakaloko ay noong lumabas siya sa isang balita ang nagsabing marami ang nagpapadala sa kanya ng mga mensahe at kung nagandahan siya, natural lamang daw na ilagay niya iyon sa kanyang mga sasabihin. Isa pa, tinagalog niya lamang daw ang mga sinabi. Nasaan daw ang panggagaya doon? Pero ang pinakanakakaloko, nagbitaw siya ng mga salitang "Magaling pala managalog si Kennedy, huh?"
Hindi ko alam kung matatawa ko dahil pinapatunayan niyang komedyante siya o maaawa sa Pilipinas sa pagkakaroon ng ganoong klase ng mambabatas. Sa huli, napamura na lang ako sa inis. Tapos isinulat ko to.
Kahit sino, pwedeng kumuha ng ideya ng iba para isama sa sarili niyang ideya. Pero kailangan mong sabihin din agad kung kanino mo nakuha iyon at kung saan nanggaling yon. Ganoon sa thesis diba? Para sa mga kabataan, ganoon pag maglalagay ka ng mga litrato, kwento o mga salitang hindi sayo sa Tumblr, Facebook, Twitter, o kung ano ano pang SNS, hindi ba?
Walang dahilan para sabihing biktima siya ng cyber-bullying. Dahil katulad ng sinabi ng iba, siya mismo ang nagbibigay ng dahilan sa mga tao para punahin ang mga ginagawa niya. Bilang isang senador, may mataas na expectations ang mga Pilipino sa kanya. Bilang isang senador, kailangan niyang maabot iyon.
Walang dahilan para sabihing biktima siya ng cyber-bullying. Dahil katulad ng sinabi ng iba, siya mismo ang nagbibigay ng dahilan sa mga tao para punahin ang mga ginagawa niya. Bilang isang senador, may mataas na expectations ang mga Pilipino sa kanya. Bilang isang senador, kailangan niyang maabot iyon.
Nakakainis isipin na yung balitang yon, sumunod sa balitang umangat ang global competitiveness ng Pilipinas ng sampung baitang. Isa sa mga dahilan ay nagkakaroon na ng kumpyansa ang mga Pilipino sa mga opisyales ng pamahalaan.
Naisip ko, sana hindi mabago yon. Sana hindi masira ang magandang reputasyong nasisimulan na dahil sa kanya.
Hay. Hindi ko maiwasang isipin ngayon na kung sakali man na may mga anti-RH Bill na magbabago ng paninindigan dahil sa pagkainis sa kanya, wala na tayong magagawa.
I was an pro rh bill before until i heard mass last sunday... "the law of land highly contradicts the law of God" which, btw is very true. The priest who had the talk indeed made me realize what we humans lack, respect for life.
ReplyDelete